Maagang kumilos ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, na siya ring Chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang paghandaan ang posibleng pananalasa ng Bagyong Uwan na kasalukuyang nagbabanta sa lalawigan.

Sa isinagawang Pre-Disaster Meeting, sinuri ang kondisyon ng mga rescue assets tulad ng rubber boats, ambulansya, dump trucks, at iba pang kagamitang pang-emergency. Tiniyak din ang kahandaan ng mga sinanay na rescue personnel upang agad makapagresponde sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha o pagguho ng lupa.

Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon sa pagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga bayan at lungsod na nasa coastal, flood-prone, at landslide-prone areas. Kabilang sa mga inatasan ang agarang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

--Ads--

Kaugnay nito, binabantayan ng PDRRMO ang limang bayan—San Fabian, Burgos, San Nicolas, Tayug, at Bugallon—kung saan naka-preposition na ang mga miyembro ng Water Search and Rescue (WASAR) team at iba pang kagamitan. Pinayuhan din ang mga mangingisda sa mga baybaying bayan na huwag munang pumalaot dahil sa inaasahang pagtaas ng alon.

Samantala, tiniyak ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na may sapat na food packs at iba pang ayuda para sa mga pamilyang maaaring mailikas at pansamantalang manirahan sa mga evacuation center.

Bilang karagdagang hakbang sa pag-iingat, ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan na ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.