Malaki ang posibilidad na mailagay sa mas mahigpit na community quarantine ang lalawigan ng Pangasinan dahil sa patuloy na pagtaas na kaso ng covid 19.
Ayon kay Provincial health officer Dr. Ana Maria Teresa de Guzman, mula sa MGCQ ay maaring mailagay sa mas mataas na restriction ang lalawigan dahil sa mga naitatalang mga clustered cases sa mga munisipyo.
Sinabi nito na sa kasalukuyan ay nasa sampu na ang mga bayan ang nasa critical zone.
Kapag nadagdagan pa ng dalawang municipyo na mailalagay sa critical zone ay maaaring mailagay ang probinsya sa high risk province.
Paliwanag ni Guzman na maituturing nang critical zone ang isang bayan kapag 25 percent na kanilang barangay ay may mga clustered cases.
Base aniya sa omnibus guidelines ng IATF, kapag may clustered case sa isang lugar, sitio purok man barangay residential o commercial building ay kailangan na itong bantayan.
Giit ni de Guzman, kapag nakitaan na may dalawa, tatlo o higit na nagpositibo sa covid ay matatawag nang clustered case.
Hindi lang barangay ang ila- lolockdown kundi mga munisipyo.
Payo niya sa mga LGU na kapag nakitaan ng pagtaas ng kaso sa kanilang lugar ay agad nang ipaalam sa IATF upang maisagawa ang kinauukulang hakbang.
Una rito, inirekomendang isailalim sa dalawang linggong lockdown ang Lungsod ng Urdaneta, Aguilar, Calasiao, Lingayen, Bugallon, Sison, Villasis at Pozorrubio.