Dagupan City – Patuloy pa rin ang epekto ng Tropical Depression Crising sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang lalawigan ng Pangasinan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA-Dagupan, sa kasalukuyan kasi ay nararanasan pa rin ang hagupit ng hangin at maulap na panahon na may kasamang mga pag-ulan dulot ng pinalakas na habagat sa lalawigan.
Dahil dito, inaasahan pa rin ang dala ng malalakas ng pag-ulan bukas at sa mga susunod na araw dahil sa dala ng Tropical depression Crising.
Bagama’t wala pang itinaas na gale warning, pinapayuhan naman ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang-dagat na maging alerto at handa, lalo na sa banta ng malalakas na hangin at maalong karagatan.
Sa kasalukuyan patuloy na minomonitor ng PAGASA ang galaw ng TD Crising at inaasahang maglalabas ng mga bagong abiso sa mga susunod na oras.
Batay kasi sa pinakahuling ulat, ang sentro nito ay nasa layong 340 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes. Inaasahan na sa loob ng 24 oras, ay kikilos ito pa-kanluran at posibleng matunton sa silangan ng Aurora.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang publiko na magdala ng panangga sa ulan upang makaiwas sa posibleng sakit.