Nilinaw ni Pangasinan Vice Governor Mark Lambino na hindi bagsakan ng ilegal na droga ang lalawigan ng Pangasinan, kasunod ng mga ulat at operasyon ng mga awtoridad laban sa iligal na droga sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Ayon kay Lambino, bagama’t malawak ang sakop ng Pangasinan at nagsisilbi itong mahalagang daanan ng mga sasakyang nagmumula sa North at South Luzon, hindi nangangahulugan na dito nagmumula o dito ibinabagsak ang malalaking suplay ng ilegal na droga.

Ipinaliwanag niya na ang lokasyon ng probinsya ay nagiging transit route lamang ng ilang bumibiyahe, ngunit mahigpit naman itong binabantayan ng mga awtoridad.

--Ads--

Iginiit din ng bise gobernador na patuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa mga ahensiya ng seguridad upang maiwasan ang anumang tangkang gawing transshipment point ng ilegal na droga ang Pangasinan.

Kabilang sa mga katuwang ng lokal na pamahalaan ang Philippine National Police, Philippine Maritime Police, at Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng magkasanib na operasyon at mas pinaigting na pagbabantay sa mga pantalan, kalsada, at iba pang posibleng daanan ng kontrabando.

Dagdag pa niya na patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaang panlalawigan na mapanatiling ligtas ang Pangasinan laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad, kasabay ng pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran ng lalawigan.