Nagtamo ng sugat sa kanang bahagi ng mata ang isang lalaki habang sinusubukang awatin ang magkakapatid na nag-amok sa barangay Poponto sa bayan ng Bautista, Pangasinan.
Base sa resulta ng imbestigasyon, ang biktima ay nakilalang si Christopher Daquigan, 40 anyos , isang magsasaka na kasalukuyang nakatira sa barangay Poponto ng naturang bayan habang ang magkakapatid na suspek ay kinilalang sina Miguel Soriano, Gabriel Soriano at Mark Anthony Soriano na residente ng kaparehong lugar.
Ayon kay Police Master Seargent Jonathan Ramos, Police executive officer ng Bautista PNP, nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan ang nangyaring stabbing incident dahil nasa impluwensiya ng alak ang tatlong magkakapatid na suspek habang umaawat lamang ang biktimang si Christopher.
Makalipas ang ilang minuto, bumalik ulit ang magkakapatid at kinompronta ang biktima at doon na nagkaroon ng pagtatalo at naghamon na makipagsuntukan.
Subalit mayroon na itong dalang panaksak kung saan natamaan sa kanang bahagi ng mata ang biktima.
Ayon sa lumabas na imbestigasyon ng awtoridad, wala namang alitan ang biktima at mga suspek kundi pawang simpleng hindi pagkakaunawaan lamang dahil sa impluwensiya ng alak.
Napag-alaman na nagkasundo na ang magkabilang panig at nagsumite ng affidavit of resistance ang mga suspek.




