Mga kabombo! Isa ba kayo sa mga mahilig mag-train ng mga alaga?
Pero ang tanong anong klaseng aral ba ang tinuturo niyo sa inyong mga pet?
Isang lalaki kasi ang pinatawan ng kaukulang parusa at multa matapos madiskubreng sinanay nito ang kanyang alagang aso upang magtapon ng basura sa mga hindi awtorisadong lugar.
Bagama’t masunurin ang aso kung turing ay wala naman itongkamalay-malay na ilegal ang kaniyan ginagawa.
Ayon sa impormasyon, layunin umano ng suspek na makatakas sa pagbabayad ng trash collection fees at maiwasang mahuli siya mismo ng mga awtoridad.
Sa CCTV footage na inilabas ng environmental unit ng municipal police malinaw na makikita ang isang aso na may kagat-kagat na plastic trash bag.
Dahan-dahan nitong inilapag ang basura sa gilid ng kalsada bago mabilis na bumalik sa pinanggalingan nito.
Dito na napaisip ang mga awtoridad at nang suriing mabuti ang mga nakalap na video, nakumbinsi ang pulisya na ang paulit-ulit at kalkuladong kilos ng hayop ay nagpapatunay na sadyang tinuruan ito ng kanyang amo.
Bukod sa pagdudulot ng dumi sa komunidad, kalapastanganan umanong samantalahin ang inosenteng aso para lamang makaiwas sa pananagutan sa batas. Sa ilalim ng batas sa Italy, ang sinumang mahuhuling nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar nang walang pahintulot ay maaaring pagmultahin ng mula 1,500 hanggang 18,000 euros o nasa tinatayang P88,000 hanggang mahigit P1.06 million.
Bagama’t walang partikular na batas na tumutukoy sa mga asong nagtatapon ng basura, mabilis na natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng amo at agad itong pinanagot sa krimen ng kanyang alaga.










