Arestado ang isang lalaki na sangkot sa kasong estafa matapos isilbi ng mga awtoridad ang isang warrant of arrest sa bayan ng Mangaldan.
Sa pamumuno ni Police Major Ronald D. Bautista, Deputy Chief of Police, at sa ilalim ng direktang superbisyon ni Police Lieutenant Colonel Perlito R. Tuayon, Officer-in-Charge ng Mangaldan Police Station, isinilbi ang warrant sa akusadong kinilalang si alyas “Tito,” 51 anyos at residente ng Barangay Tebag, Mangaldan, Pangasinan.
Ang warrant of arrest ay inilabas noong Marso 13, 2025 para sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 10951. May kaugnay itong Criminal Case No. 24-8236 at may rekomendadong piyansa na P36,000.
Bilang pagsunod sa patakaran ng Supreme Court A.M. No. 21-06-08-SC, nai-record ang operasyon gamit ang alternatibong recording device bunsod ng kawalan ng body-worn camera.
Dinala rin ang akusado sa Mapandan Community Hospital para sa kinakailangang medikal at pisikal na pagsusuri bago siya tuluyang dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya.