Nauwi sa kamatayan ng isang 25 anyos na lalaking lulan ng bisikleta matapos masagasaan ng SUV at tinakbuhan ng driver sa kahabaan ng National Highway ng Brgy Alacan sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Jomel Rivera na residente din sa nabanggit na lugar.
Ayon kay P/Major Hermilita Guitering, OIC chief of police ng San Fabian PS, nangyari ang insidente dakong 11:45 ng gabi sa kasagsagan ng umiiral na curfew hour kahapon February 15, 2021 kung saan pauwi na noon ng bahay ang biktima na nasa impluwensiya di umano ng alak habang binabaybay ang naturang kalsada sakay ng kaniyang bisikleta.
Ayon sa nakakita sa insidente, natumba ang biktima sa bisikleta at nang tulungan na nito ang biktima, nakita niya na may paparating na mabilis na sasakyan at nagulungan ang biktima.
Hindi naman nakita ng witness ang plate number ng SUV na nakasagasa sa rito.
Nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo at sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na sanhi ng kaniyang kamatayan.
Nagsagawa na ng follow up investigation ang kapulisan at nirereview pa sa ngayon ang mga sasakyang nakuhanan sa cctv na malapit sa pinangyarihan ng krimen para sa pagkakadakip ng salarin.
Pangalawa na itong vehicular accident na may namatay na naitala sa bayan ng San Fabian ngayong taon.
Mensahe ni P/Major Guitering para maiwasan ang disgrasiya sa kakalsadahan na mas maiging magsuot ng reflector vest kapag nakamotor o bisikleta kung bumabiyahe ng madilim at sundin ang umiiral na oras ng curfew sa bayan.