Isang lalaking mula sa Newport, South Wales ang nagbabalak bilhin ang buong landfill site kung saan niya pinaniniwalaang naitapon ang hard drive na naglalaman ng kanyang Bitcoin fortune noong 2013.

Kinilala itong si James Howells, isang 39-anyos na IT worker, kung saan ay naniniwala itong nagkakahalaga na ngayon ng mahigit £600 million (₱41 billion) ang kanyang nawawalang Bitcoins. Ayon sa kanya, ito ay aksidenteng naitapon ng kanyang dating kasintahan sa basurahan.

Simula pa noong 2013, sinusubukan na niyang mabawi ang hard drive. Ngunit sa balitang isasara at tatakpan na ng Newport City Council ang landfill sa 2025-26 financial year, mukhang papalapit na ang katapusan ng kanyang mga pag-asa.

--Ads--

Noong Lunes, sinabi ni Howells na laking gulat niya nang marinig ang balita ng nalalapit na pagsasara ng landfill. Mas lumala pa ang sitwasyon nang ibasura ng korte ang kanyang kaso laban sa council noong nakaraang buwan.

Layunin sana ng kaso na pilitin ang council na payagan siyang maghanap sa landfill o bigyan siya ng £495 million bilang kompensasyon.

Ayon kay Howells, ang council ay nag-argumento sa korte na ang pagsasara ng landfill para sa kanyang paghahanap ay makakasama sa mga tao ng Newport. Pero sa parehong panahon, plano na rin pala nilang isara ito.

Tila parang eksena sa pelikula ang laban ni Howells para sa kanyang nawawalang Bitcoin fortune. Sa kabila ng lahat, umaasa pa rin siyang matutulungan siya ng tamang pagkakataon at suporta para mabawi ang yaman na matagal nang nawawala.