Dagupan City – Arestado ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng Dagupan City Police Office sa Barangay Pantal, Dagupan City pasado alas-12:30 ng madaling araw ng Pebrero 23, 2026.
Pinangunahan ng Police Station 1 ang operasyon katuwang ang iba pang yunit ng pulisya, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Rehiyon 1.
Naaresto sa operasyon ang isang lalaking residente ng Barangay Mayombo na itinuturing umanong street-level individual.
Nakumpiska ng mga operatiba ang isang heat-sealed na plastik na sachet na naglalaman ng tinatayang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P13,600, isang cellphone, at ang marked money na ginamit sa transaksyon. Dinala ang mga nakuhang ebidensiya para sa pagsusuri.
Nakapiit ang suspek sa custodial facility ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.










