DAGUPAN CITY- Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente ng pamamaril na naganap sa tapat ng isang beerhouse sa Barangay Sta. Maria, kaninang madaling araw.
Ayon sa pulisya, bandang alas-3 ng umaga habang naghihintay umano ang biktima sa kanyang asawang manager ng naturang beerhouse, biglang huminto ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki.
Ilang saglit pa’y pinaputukan ng mga suspek ang biktima bago agad tumakas sa lugar.
Tinamaan sa likuran ang lalaki at agad na naisugod sa pinakamalapit na pagamutan at patuloy siyang ginagamot sa ngayon.
Anim na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang narekober ng awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.
Kinumpirma ni Police Major Napoleon Velasco, Officer-in-Charge ng San Jacinto Municipal Police Station, na may sinusundan na silang mga persons of interest, ngunit hindi pa inilalantad ang kanilang pagkakakilanlan upang hindi madiskaril ang isinasagawang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Major Velasco, ito ang kauna-unahang kaso ng pamamaril sa bayan mula nang siya’y maitalaga bilang hepe ng pulisya sa lugar.
Sa ngayon, nakaalerto ang mga awtoridad habang patuloy ang pagtugis sa mga responsable sa insidente.