DAGUPAN CITY- Sugatan ang isang 42-anyos na lalaki matapos masangkot sa pananaksak na naganap bandang alas-9:30 ng gabi noong Abril 19 sa Brgy. Calit.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Binmaley Municipal Police Station, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek na kapwa pintor at residente ng nasabing barangay.

Lumalabas na armado ng kutsilyo at metal pipe ang biktima nang harapin nito ang suspek, na nauwi sa pisikal na komprontasyon.

--Ads--

Sa gitna ng insidente, kumuha rin ng kutsilyo ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang biktima, na tinamaan sa bahagi ng ulo at iba pang parte ng katawan.

Agad na isinugod ang biktima sa Region 1 Medical Center Annex Hospital sa Bonuan Binloc, Dagupan City sa tulong ng mga opisyal ng barangay at isang residente upang mabigyan ng agarang lunas.

Samantala, naaresto ng rumespondeng mga pulis ang suspek at narekober ang isang patalim na may habang 23 sentimetro mula hawakan hanggang dulo. Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng Binmaley Police Station para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.