Luray luray na ang kanang braso, may mga sugat mula sa pananaga at sunog na ang katawan ng isang 37 anyos na charcoal maker nang ito ay matagpuan sa kabundukang parte ng Sitio Alimbayocan, Brgy. Linmasangan sa lungsod ng Alaminos.

Ang biktima ay kinilalang si Antony Tumambac, na residente din mula sa nabanggit na barangay habang ang suspek na nauna nang naaresto  ay kinilalang si Rex Abarra, 25 anyos at isang construction worker.

Bunsod ng pagkakaaresto nito ay ang kinakaharap niyang kaso na mayroong kinalaman sa Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries & Violation of Sec. 5 in Relation to Sec. 56 (a) of R.A. 4136.

--Ads--

Sa impormasyon mula sa mga otoridad, inamin umano ng suspek na pinagtulungan nilang magkakapatid na tagain ang biktima.

Kinilala ang mga kapatid nitong sina Reynaldo Abarra, 44 anyos, isa ring construcion worker at Michael Abarra, 36 anyos na pawang mga residente din mula sa nabanggit na barangay.

Matapos umanong pagtulungang tagain ang biktima na nagresulta sakanyang kamatayan ay sinunog nila ang katawan nito sa lugar. Tinitignang motibo sa krimen ay ang hindi pagkakaunawaan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbistigasyon rito ng mga otoridad.