Patay ang isang lalaki matapos ang nangyaring vehicular accident sa kahabaan ng Villasis-Malasiqui National Road sa Brgy Barraca, sa bayan ng Villasis, Pangasinan.
Ayon kay police major Glenn Dulay, hepe ng Villasis Police station, binabagtas ng pickup na minamaneho ni Caesar Kyzer Dela Rosa, 35 anyos, binata, sales assistant at residente ng Brgy Poblacion Manaoag, at kasama niyang sakay sa nasabing sasakyan si Rolando Cabanglan, 39 anyos, may asawa at residente ng Narvacan Ilocos Sur ang kahabaan ng Villasis Malasiqui road papuntang silangang direksyon nang nabangga nito ang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalsada na minamaneho ni Ronald Vigilia, 28 anyos, development officer at residente ng Moncada, Tarlac, gayundin ang isa pang tricycle na pag aari ni Ramil Macayan nasa wastong gulang, incumbent Brgy Kagawad at residente ng Brgy Barraca, Villasis.
Matapos mabangga ang 2 sasakyan ay lumiko siya ng pakaliwa pero nahagip naman siya ng paparating na dumptruck na minamaneho ni Jay Sorio, 34 anyos, at residente ng Brgy Barangobong Tayug, Pangasinan.
Dahil sa lakas ng impact ay nageresulta sa pagkamatay ng sakay ng pick up na si Rolando Cabanglan.
Nagkaroon din ng malalaking pinsala ang mga sasakyan na sangkot sa aksidente.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad ay aminado ang driber ng pick up na siya ay nakaidlip kaya nangyari ang aksidente.