Dagupan City – Arestado ang isang 53-anyos na lalaki matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad kaugnay ng umano’y pagbebenta ng buhay na aso na nakatakdang katayin para sa konsumo ng karne sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-12:00 ng tanghali sa Barangay San Vicente ng mga intelligence operatives ng San Jacinto Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa kinatawan ng isang animal welfare organization.

Sa operasyon, matagumpay na nakabili ang poseur buyer ng isang buhay na babaeng aso mula sa suspek, na ayon sa imbestigasyon ay nakalaan umano para katayin.

--Ads--

Bukod sa aso, nakumpiska rin ng mga operatiba ang isang sako, isang rolyo ng G.I. wire, at isang humigit-kumulang 1.5 metrong electrical wire na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na gawain.

Dinala ang suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa San Jacinto Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan ng Republic Act 10631.