DAGUPAN, CITY— Idineklarang dead arrival ang isang 26 anyos na lalaki sa kabila ng agarang pagsugod nito sa Bobonot District Hospital sa bayan ng Dasol matapos itong malunod sa isang ilog partikular sa Manaol River sa Brgy. Barlo sa bayan ng Mabini kahapon araw ng Miyerkules June 30 ng taong kasalukuyan.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, nakilala ang biktima bilang si Rodel Posadas, residente ng Brgy. Sampot sa bayan ng Dasol.
Napag alaman na ang biktima kasama ang mga kaibigan nito ay nagtungo sa isang ilog upang magsagawa ng ‘baptism ceremony’ bilang parte ng kanilang relihiyon kasama ang kanilang pastor na si Rey Ordoñez at matapos ang kanilang aktibidad, napag kasunduan nilang maligo sa nasabing lugar ngunit sa kasamaang palad, aksidenteng nalunod ang naturang biktima sa malalim na parte ng ilog.
Sinubukan pa itong i-rescue ng ilang mga concerned citizen upang isugod sa pagamutan ngunit sa kasamaang palad, ito’y hindi na umabot ng buhay. (with report from: Bombo Lyme Perez)