DAGUPAN CITY- Maayos, tahimik, at payapa ang naging kalagayan ng bayan ng San Fabian, Pangasinan sa katatapos lamang na halalan, ayon sa ulat ng lokal na kapulisan.
Kinumpirma ni PCPT Leoffrey Suguítan Sapi, Deputy Chief of Police ng San Fabian, na walang naitalang election-related incident sa kanilang nasasakupan.
Isa ito sa mga positibong indikasyon ng maayos na pagpapatupad ng seguridad at disiplina sa panahon ng halalan.
Sa katunayan, nagsilbing tulong pa ang San Fabian PNP sa mga kalapit-bayan na nangangailangan ng karagdagang puwersa.
Umabot sa 24 na personnel mula sa kanilang hanay ang na-deploy bilang augmentation force sa mga lugar na kinailangan ng dagdag seguridad.
Kabuuang 28 voting centers ang binantayan ng San Fabian PNP, na may 73 polling precincts at humigit-kumulang 56,888 na rehistradong botante.
Layon ng presensiya ng pulisya na masigurong ligtas, maayos, at malayo sa anumang gulo ang pagdaraos ng halalan.
Sa ilalim ng direktiba ng Commission on Elections (COMELEC), nagpapatuloy pa rin ang checkpoint operations sa bayan bilang bahagi ng implementasyon ng gun ban, na tatagal hanggang Hunyo 11.
Layunin nitong maiwasan ang pagdadala ng mga armas at potensyal na karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Kasabay nito, mahigpit ding ipinatupad ang liquor ban sa panahon ng eleksyon.
Sa kabila nito, wala ring naitalang paglabag o insidente na may kaugnayan dito.
Nanawagan naman ang San Fabian PNP sa publiko na makipagtulungan sa kanilang hanay upang agarang matugunan ang anumang suliranin o hinaing ng mga mamamayan.
Paalala rin ng kapulisan na ang seguridad ng bayan ay responsibilidad ng lahat, at mas nagiging epektibo ito sa tulong ng kooperasyon ng komunidad.
Sa pangkalahatan, naging matagumpay at mapayapa ang halalan sa San Fabian—isang patunay ng disiplina, kooperasyon, at maayos na pamamahala ng lokal na pamahalaan at kapulisan.