Nanindigan ang mga labor groups, sa pangunguna ni Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), na panahon na upang muling repasuhin ang umiiral na sistema ng minimum wage sa bansa.

Sa ginanap na pagdinig ng Senado ukol sa sektor ng paggawa, dalawang pangunahing isyu ang kanilang inilatag: ang pagtaas ng minimum wage at ang pagbabago sa sistema ng pagtatakda nito.

Ayon kay Mata, magandang hakbang ang pagkakaroon ng pagkakataon para sa mga grupo ng manggagawa na direktang makalahok sa mga talakayan sa Senado.

--Ads--

Aniya, matagal nang panahon para iwasto ang di-makatarungang sistema kung saan may malaking agwat sa sahod depende sa rehiyon.

Dagdag pa niya, panahon na para magkaroon ng makabuluhang pagtaas sa minimum wage ng lahat ng manggagawa, lalo na’t hindi pa rin kabilang ang mga mangingisda at iba pang sektor sa ilalim ng minimum wage earners.

Sa naturang pagdinig, napagdesisyunan ng Senado na bumuo ng isang Technical Working Group (TWG) na siyang hahawak sa mas malalim na diskusyon at debate hinggil sa mga isyung ito.

Dito inaasahang ilalatag ang mga panukalang reporma sa wage system at pagtatapos ng kontraktwalisasyon o “endo.”

Hinikayat din ni Mata ang mas malawak na pagkakaisa ng mga manggagawa at mamamayan upang itulak ang mga panukalang reporma, sabay paalala sa nangyaring pagbabasura ng wage increase bill sa 19th Congress.

Panawagan niya na dapat tayong magkaisa, lumahok, at ipakita na binabantayan ng mga manggagawa ang bawat kilos sa Kongreso.

Sa pagtatapos ng pagdinig, muling iginiit ng mga labor group ang kanilang mga pangunahing kahilingan: itaas ang sahod, tuldukan ang endo, at gawing makatarungan ang wage setting system sa buong bansa.