Hindi umaasa ang Kilusang Mayo Uno ng makabuluhang pagbabago sa polisiya ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng bagong kalihim na si dating Senador Francis Tolentino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Chairperson ng grupo, batay sa kanilang pagsusuri ay wala umanong malinaw na pagbabago sa direksyon ng kagawaran sa ilalim ng bagong liderato.

Ayon kay Adonis, may pangamba ang kanilang hanay na magpapatuloy umano ang mga patakarang hindi pabor sa mga manggagawa, kabilang ang usapin ng mababang sahod, malawak na kontraktwalisasyon, at mga hamon sa karapatan ng mga unyon.

--Ads--

Pinuna rin ng grupo ang naging pamumuno ng dating DOLE Secretary, na anila’y hindi nakatugon sa ilang pangunahing isyu ng paggawa tulad ng regularisasyon, dagdag-sahod, at job creation plan.

Ayon sa grupo, kulang umano sa konkretong roadmap ang nakaraang administrasyon para sa mga manggagawa.

Dagdag pa ni Adonis, hindi rin umano nila nakita ang matibay na suporta ng DOLE sa panukalang legislative wage increase, at sa halip ay may mga pahayag umanong nagpapakita ng pag-aalinlangan sa epekto nito sa ekonomiya.