Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng 29 anyos na Pinay na nasawi sa missile attack sa Haifa, Israel noong Abril 5.

Sa isang statement, iniulat ng DFA na dumating sa Maynila ang labi ng nasawing Pinay na si Lucille Jean Gershovich noong Abril 16, na tinanggap ng kaniyang pamilya.

Ayon sa DFA, kasunod ng commitment ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa kaanak ni Gershovich, nagpaabot ang DFA sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv, Office of the Undersecretary for Migrant Affairs at Consular Office sa Clarin, ng lahat ng kinakailangang tulong sa pamilya kabilang ang pag-facilitate sa pag-uwi ng labi ng Pinay mula sa Israel pauwi sa kaniyang probinsiya sa Lanao del Norte.

--Ads--

Si Gershovich, ay kabilang sa mga nasawi sa missile strike na tumama sa residential area sa Haifa noong Abril 5, na kumitil rin sa kaniyang asawang Israeli at matatandang biyenan sa gitna ng labanan sa pagitan ng Iran at Israel-US.