BOMBO DAGUPAN -Mailalagak na ang labi ng nasawing Overseas Filipino worker na si Jesus Lopez ngayong araw sa kanyang tahanan sa Barangay Baracbac sa bayan ng Umingan.

Matatandaan na inuwi sa bansa ang mga labi ng 3 OFW na nasawi sa sunog sa Kuwait kahapon bandang alas 5 ng hapon sa NAIA Terminal sa Pasay City kung saan bumuhos ang luha ng mga sumalubong na mga ilang kaanak ng mga ito kasama din ang asawa ni Lopez na dahil sa labis na pag-iyak ay tumaas ang presyon ng dugo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dexter M. Manandeg , ang may-ari ng Dexter Funeral Services na siyang nag-aasikaso sa magiging burol ni Lopez, matapos makuha ang bangkay ay agad na nilang inasikaso ang katawan ni lopez kung saan denefroze pa nila dahil may yelo pa ito.

--Ads--

Nagkaroon sila ng problema sa pag-aayos sa bangkay dahil nasa stage 2 decomposition na ang katawan ni Lopez.

Napag alaman na noong nasa Kuwait umano ay hindi nalagyan ng formalin ang mukha niya at paa dahil katawan lang nalagyan kaya nag-iba na ang itsura nito kaya’t ang naging option umano ay eselyado o balutan ang buong katawan para tumagal pa ang burol nito.

Maari naman umanong mabuksan ang kabaong ngunit hindi na makikita ang mukha ni Lopez dahil selyado na ang katawan.

Samantala, inaasahan naman na pupunta ang mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa burol ni Lopez para makita ang kalagayan ng pamilya at makapagbigay ng tulong dito.