Natagpuan na ang labi ng isa sa mga nawawalang babaeng pasahero sa lumubog na motorized banca sa may Camaley-Balogo River sa bayan ng Binmaley ganap na ala 9:30 kagabi.

Positibong kinilala ito ng kanyang mga kaanak at nakumpirma ang pagkakakilanlan ng nasawi.

Samantala, patuloy pa rin and search and retrieval operation para sa dalawa pang pasaherong nawawala matapos lumubog ang sinasakyang motorboat sa bahagi ng katubigan nitong gabi ng Sabado.

--Ads--

Ayon kay Armenia Delos Angeles, OIC ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Binmaley, kabuuang 13 katao kabilang ang driver ang sakay ng motorboat na patungo sana sa Barangay Balogo upang makiramay sa kaanak ng isa sa mga pasahero na namatayan.

Pinasundo umano ang mga ito bandang alas-11:40 ng gabi.

Habang naglalakbay, napansin umano ng mga sakay na mabigat na ang motorboat ngunit nagpatuloy pa rin sila. Hindi pa umano gaanong nakakalayo mula sa daungan nang bigla itong lumubog. Sampung sakay ang nakaligtas matapos makalangoy at agad na natulungan ng mga rumespondeng MDRRMO personnel, habang dalawang babae at isang lalaki ang patuloy na nawawala.

Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO Binmaley katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Philippine Coast Guard, Bantay Dagat, mga volunteer at ilang boat operators.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posibleng overloading ang naging sanhi ng insidente.