Bagamat aminado ang pambato ng Pilipinas sa larangan ng boxing na si Marlon Tapales na magaling at matalino ang katunggaling si Naoya Inoue na pambato naman ng Japan, handa rin aniya siyang ipakita ang kaniyang makakaya upang maiuwi ang kampeonato.

Ito ay ayon kay Hannah Galvez, ang Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa.

Kilala aniya ang pambato ng Japan na si Inoue bilang isang propesyunal na boksingero na kung tawagin nila ay “The Monster” bilang maliksi o sa ibang salita, isinasalarawan siya bilang “heavy and fast puncher.”

--Ads--

Si Inoue ay 30 taong gulang at sa kaniyang 27 laban, hindi pa ito kailanman natatalo.

Sa kabilang banda, si Tapales ay 31 anyos, at tinaguriang “The Nightmare” ay sumabak na sa 40 laban kung saan 37 dito ang kaniyang panalo habang tatlo ang kaniyang talo.

Ayon pa kay Galvez, kung sakali mang matalo sa pagkakataong ito si Inoue, maituturing ito bilang historical dahil wala pa itong talo.

Base naman aniya sa obserbasyon ng mga boxing fans, kung ikukumpara kay Inoue, may kabagalan ang pagsuntok ni Tapales, idagdag pa na siya ay kaliwete, ngunit lamang naman aniya ito sa bigat at lapad ng katawan.

Maghaharap ang dalawang boksingero mamayang alas-otso ng gabi, alas syete naman, oras dito sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Galvez na nagkakaubusan na ng ticket sa kasalukuyan habang ang kapasidad naman ng Ariake Arena, sa bahagi ng Tokyo kung saan magaganap ang boxing competition, ay umaabot lamang aniya sa 10,000 kapasidad.

Gaya ng iba pang mga Pinoy, umaasa rin si Galvez na maipapanalo ni Tapales ang nasabing labanan.