Kinumpirma ni Provincial Health officer Dra. Ana Marie de Guzman na nanatiling 83 ang kumpirmadong kaso dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa nasabing bilang 65 na ang gumaling at may 9 na nananatiling nasa pagamutan. Hindi na aniya nadagdagan ang bilang ng mga nasawi.

Samantala, kinukumpirma pa ni de Guzman ang umanoy isang bagong naitalang kaso ng covid sa lungsod ng Dagupan.

--Ads--

Kaugnay nito, nanawagan si de Guzman na walang dapat ipangamba ng mamamayan pero huwag magpakampante. Dapat maingat at sumunod sa mga health protocols.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang isinasagawang mass testing kung saan sinusuyod ang lahat ng mga lugar sa probinsya para sa mga kaso na maaaring hindi umabot sa ospital.

Samantala, nakipag ugnayan na ang Provincial Health office sa mga Local Government Units o LGU para sa isasagawang active covid case finding o mass testing sa iba pang lugar sa lalawigan

Ayon pa kay de Guzman, una nilang pupuntahan ang unang 15 munisipalidad na tinaguriang mga hot spot areas o mga bayan na nakapagtala ng positibong kaso ng covid.

Isusunod dito ang 17 LGUs sa June 27 hanggang July at susunod naman ang 15 natitirang 3rd batch sa second round na mass testing.

Nabatid na sa first round ng mass testing ay kabuoang 2,403 ang nasuri at sa nasabing bilang 2,238 ang nagnegatibo habang 14 ang nagpositibo.

Samantala sa second round ng mass testing kung saan tinarget ang mga frontliners ay umabot na sa 539 ang nasuri at 90 percent dito ay negatibo.