DAGUPAN CITY- Pinabulaanan ng Public Order and Safety Office o POSO ang mga kumakalat na alegasyong pagsusugal umano sa loob mismo ng kanilang opisina sa lungsod ng Dagupan.
Batay sa mga larawang kumalat sa social media, makikitang may hawak na mga baraha ang ilang enforcer ng POSO habang nasa loob ng tanggapan.
Dahil dito, umani ng samu’t saring reaksyon mula sa publiko, at agad na umikot ang ispekulasyong nagsusugal umano ang mga ito habang naka-duty.
Pero paglilinaw ng POSO Dagupan, laro lamang ang ginawa ng kanilang mga tauhan, at walang anumang perang sangkot o ginamit sa naturang aktibidad.
Giit pa ng POSO, agad na kinompronta at pinaalalahanan ang mga enforcer na umiwas sa anumang kilos na maaaring magdulot ng maling interpretasyon sa publiko, lalo na’t sila ay mga tagapagpatupad ng kaayusan at disiplina sa lungsod.
Patuloy naman ang paalala ng ahensya sa kanilang mga tauhan na panatilihin ang pagiging propesyonal sa lahat ng oras, upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.