DAGUPAN CITY- Isang biyaya para sa transport sector ang pag-angkat ng Pilipinas ng langis sa bansang Russia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), hindi na kinakailangan ng mga tsuper na tumigil sa pamamasada kung sakaling ang nasabing natanggap na langis ay magpapababa ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Ang pahayag ni De Luna ay tumutukoy umano sa napaulat na natanggap ng Pilipinas na 700,000 bariles ng krudo mula sa Russia.
Gayunpaman, bagaman wala pa itong nakikitang epekto sa bansa, patuloy na nag-aabang ang ilang mga tsuper at operators sa P5,000 fuel subsidy na matatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Subalit, nagkakaproblema pa umano sa listahan ng mga makakatanggap kung saan nawala ang ilang pangalan kahit pa man nakapagsumite sila ng kinakailangang dokumento.
May pagkakataon naman na kalaunan ay lilitaw ang nawawalang pangalan.
Patuloy naman silang inaabisuhan ng Land Transportion Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapalista sa DSWD at tutulungan na lamang silang matanggap ang sabsidiya.
Sinubukan na umano mapabilis ang pamamahagi sa pamamagitan ng digital banking subalit, dahil sa may edad na rin ng ilang mga miyembro ay hindi na ito masabayan o masundan pa.
Patuloy naman nananawagan si De Luna sa pamahalaan na tiyakin sa publiko ang pagbabalik ng fuel subsidy para sa mga hindi pa nakakatanggap.










