DAGUPAN CITY—Bumibigay na ang sektor ng pangisdaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, kung saan tinatayang halos kalahati ng mga mangingisda sa bansa ay napilitang huminto sa kanilang kabuhayan.
Ito ang mariing pahayag ni Pablo Rosales, National Chairperson ng Pangisda Pilipinas, na nagsabing hindi na kinakaya ng mga mangingisda ang gastos sa diesel at gasolina—ang pangunahing puhunan sa kanilang araw-araw na paglaot.
Ipinaliwanag niya na umaabot na sa 80 porsyento ng kabuuang kita ng mangingisda ang napupunta lamang sa krudo, dahilan upang halos 20 porsyento na lamang ang maiuwi para sa pagkain at pangangailangan ng pamilya.
Dahil dito, marami ang napipilitang magtipid sa pamamagitan ng hindi na paglayo sa laot—isang hakbang na may domino effect sa sektor.
Ayon kay Rosales, sa halip na pumalaot, nagsisiksikan ang mga mangingisda sa municipal waters upang makatipid sa krudo. Dahil dito, mas lalong nauubos ang yamang-dagat sa mababaw na bahagi, habang ang maliliit na mangingisda ang higit na naaapektuhan sa kompetisyon.
Bukod sa matumal na huli, wala ring katiyakan ang kita sa bawat paglaot. Aniya, maaaring gumastos ng libu-libong piso sa krudo ngunit walang kasiguruhan kung mababawi ito sa huli.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, napipilitan ang ilan na tuluyang talikuran ang pangingisda at maghanap ng alternatibong kabuhayan.
Kasabay nito, nananatiling banta ang panganib sa dagat—mula sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, hanggang sa banta ng kalamidad at iba pang panganib sa laot.
Sa kabila ng mga anunsyo ng tulong mula sa pamahalaan, iginiit ng lider-mangingisda na maraming sektor ang hindi naaabot ng ayuda.
Aniya, hindi lahat ng mangingisda ay nakalista o kinikilala sa mga programang ito, lalo na ang mga walang sariling kagamitan at nakikisakay lamang.
Iginiit din niya na may mga pagkakataong ang listahan ay napupunta lamang sa mga malalapit sa mga nasa kapangyarihan.
Sa gitna nito, nananawagan ang Pangisda Pilipinas ng agarang aksyon—kabilang ang subsidiya sa krudo at pagkain—upang matulungan ang mga mangingisda na maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan at mapanatili ang suplay ng pagkain sa bansa.
Ngunit higit pa sa panandaliang solusyon, binigyang-diin ni Rosales ang pangangailangan ng pangmatagalang plano para sa sektor—kabilang ang pagpapaunlad ng lokal na pangisdaan at pangangalaga sa karagatan.
Aniya, habang patuloy ang importasyon at napapabayaan ang lokal na produksyon, lalong lumalala ang krisis.
Sa huli, iginiit niya na ang kinabukasan ng sektor ay nakasalalay hindi lamang sa agarang ayuda kundi sa seryosong reporma—upang maprotektahan ang mga mangingisda at ang yamang-dagat na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.










