Nakahinga na nang maluwag ang TV host-actress na si Kris Aquino matapos niyang malaman na siya ay cancer-free na.

Ayon kay Kris, nangamba kasi umano ito na maaring mayroon na rin siyang colon cancer.

Aniya, ito ang kaniyang lubos na ikinatatakot dahil ito ang sakit na ikinasawi ng kanyang inang si dating Pangulong Corazon Aquino.

--Ads--

Sa social media post ni Kris sa mahabang health update niya sa social media platform, nakasaad dito ang ibinunyag niyang pagkaka-confine sa kanya sa ospital pagka-uwing pagkauwi niya sa Pilipinas.

Matatandaan kasi na noong nakaraang buwan, September 12, 2024 ay nakauwi ng bansa si Kris matapos niyang mamalagi nang halos dalawang taon sa California, USA, para magpagamot sa patung-patong niyang autoimmune diseases.

Ngunit sa sumunod na araw, pinayuhan ito ng kaniyang gastroenterologist na magpa-endoscopy at colonoscopy na para matiyak kung mayroon pa silang dapat pang ipangamba.

Dito naman na umano lumabas na negatibo si Kris colon cancer. Sa kabila naman nito, ibinahagi rin ni Kris ang kaniyang sitwasyon ngayon na hirap siyang maglakad dahil sa iniinda niyang Lupus Arthritis. Dagdag pa ang kaniyang mahinang immune system kaya’t madali siyang kapitan ng ubo.

Sa kabila ng hirap na kanyang pinagdaraanan, ipinangako ni Kris na hindi siya kailanman susuko na lumaban para magpagaling. Kalakip ng kanyang pangako ang pagsasapubliko ni Kris na magkakaroon siya ng television comeback sa kaniyang dating network bago matapos ang taong 2024.