BOMBO DAGUPAN – Pinamamadali ng election lawyer na si Atty Romulo Macalintal ang korte suprema na magdisisyon dahil malapit na ang December 5 na unang itinakda ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections.
Ito ang nakikitang dahilan ni Atty Francis Abril sa paghahain ng kilalang election lawyer na si Macalintal ng ‘extremely urgent motion’ sa Supreme Court para sa hiling na temporary restraining order laban sa pagpapaliban ng 2022 barangay at Sangguniang Kabataan polls.
Pero sinabi ni Abril na anuman umano ang magiging disisyon ng korte suprema kung ito man ay magsasabing valid ang batas ay dapat igalang.
Ngunit maaari pa naman umanong maghain muli si Macalintal ng motion for reconsideration.
Samantala, bibigyan pa rin aniya ng pagkakataon ang kabila na magkomento at magsalita sa inihaing motion ni Macalintal.
Dagdag pa ni Abril na dito malalaman kung hanggang saan ang kapangyarihan o limitasyon ng kongreso.
Matatandaan na naghain ng petisyon si Macalintal sa Korte Suprema upang kwestiyunin ang pagpapaliban ng eleksiyon na labag aniya sa Saligang Batas. Ito ay matapos pirmahan ni Pres. Bongbong Marcos ang batas na nagpapaliban sa halalan.
Una rito ay nagbanta si Macalintal na kukuwestyunin niya sa Supreme Court (SC) ang constitutionality ng panukalang batas na pagpapaliban sa barangay at SK elections sakaling maging tuluyan na itong maging batas.
Katwiran ni Macalintal ay wala raw kapangyarihan ang kongreso na mag-postpone ng halalan na kanilang itinakda at tanging ang comelec lang ang may kapangyarihan na magpostpone ng halalan dahil ang trabaho umano ng Kamara at Senado ay magtakda lamang kung gaano katagal ang panunungkulan ng mga barangay officials sa isang halalan.