DAGUPAN CITY–Naniniwala si dating Customs port chief ng Manila International Container Port Butch Merrera na hindi matatapos ang korapsyon sa hanay ng Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan lamang ng pagsibak ng mga tauhan nito.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Merrera, sinabi niya na kahit ilan pang kawani at empleyado ng naturang tanggapan ang tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay mananatili pa rin umano ang korapsyon dito.

Aniya, mga dahon lamang kasi ang napagtutuunang pansin ng punong ehekutibo at hindi ang mga ugat na siyang nagpapalala ng eskandalo sa naturang departamento.

--Ads--

Pahayag pa ni Merrera, bagama’t may kasalanan rin ang mga empleyadong una ng nasibak, ay hindi pa rin umano matatawaran ang talento at kagalingan ng mga nakatataas sa kanila.

Dahil dito, inihayag ni Merrera na dapat ng baguhin ni Pangulong Duterte ang istilo ng pag alis at pagsibak sa mga inaakala niyang sangkot sa korapsyon.

Aniya, dapat na nitong pag aralan kung paano ang gagawin niyang hakbang upang masawata ang mga tunay na smugglers sa hanay ng BOC.