BOMBO RADYO DAGUPAN- Pinabulaanan ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang sinasabing kurapsyon at ang umanong malaking sindikato sa likod ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, ang presidente ng nasabing organisasyon, kaniyang idiniin na hindi ito nakikita ng kanilang organisasyon maging ang Magnificent 7.


Kung sa tutuusin pa aniya, hindi naman pinipilit ang mga korporasyon at kooperatiba kung kanino lamang sila maaaring bumili. Bagkus, pinapaconsolidate lamang sila ng gobyerno at makakapag utang lamang ang chairman ng isang korporasyon at kooperatiba makalipas lamang ng 5 at higit pang mga taon.

--Ads--


Maaari pa aniyang makakuha ng mas murang presyo sa dadating na mga panahon ang mga nakiisa sa consolidation sa isasagawang bidding.


Kaya naman ay panawagan niya muli, na kung pabigyan muli ang pagbubukas nf consolidation ay makiisa na lamang sila dahil may kalakip din itong iba’t ibang benepisyo tulad ng health cares at madaling pagpapaayos ng pampasada.



Maliban diyan, pinabulaanan din nila ang pagtaas ng P30-P40 na pamasahe para lamang makabawi ang mga transport group sa consolidation dahil aniya, maliban sa kanilang kinokonsidera din ang kalagayan ng mga mananakay ay hindi pa din nabibigyan ng hearing ang kanilang petisyon na pagtaas ng P4 sa minimum fare.


Samantala, sinabi ni De Luna na pinaiimbestigahan na din ang issue ng Franchise Consolidation Scam sapagkat mayroon aniyang mga hindi totoong operator at drayber na namamasada.


Ayon naman kay Mar Valbuena, ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon mula sa panayam ng himpilan sa kaniya, kanilang nilalaban ito dahil marami nang naluluging namamasada dahil maliban sa wala silang mapamasadahan ay wala na rin silang maipang bayad sa kanilang loan at pamalit pyesa.