Nagsimula na kahapon ang Kontra-Bigay Campaign ng Commission on Elections (COMELEC) laban sa vote buying at vote selling, kasabay ng simula ng kampanya para sa mga national positions.

Alinsunod ito sa inilabas na Comelec Resolution No. 11104 na pinirmahan noong huling araw ng Enero na maaaring arestuhin ng mga awtoridad ang sinumang maaktuhang bumibili o nagbebenta ng boto nang walang warrant of arrest.

Nakasaad ito sa Section 37 ng resolusyon, at batay sa batas ay nakapaloob ito sa “Infragrante Delicto” o “Caught in the Act” principle ng criminal procedure.

--Ads--

Ayon kay Estrella Cave, Election Officer IV ng COMELEC Tayug, mayroon nang kampanya laban sa vote buying at vote selling noong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ngunit ngayon, pinalawak pa ito upang isama ang pagbabawal sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa kampanya at ang pagsasagawa ng warrantless arrest.

Dahil dito, kasama na sa mga ahensyang nakikipagtulungan sa COMELEC sa kampanyang ito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Audit (COA), at ang Highest Official ng Civil Service Commission habang kasama parin dito ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang stakeholders upang mapalakas ang laban tungkol dito.

Saad pa ni Cave na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga ahensyang ito, dahil nakapaloob din sa expansion ng Comelec resolution ang pagbabantay sa distribusyon ng mga pondo at proyekto ng gobyerno upang maiwasan ang paggamit nito sa kampanya ng mga incumbent officials na tumatakbo muli sa kahalintulad na posisyon ngayong halalan.

Dagdag nito na may mga exemption naman na maaring maifile kung may mga proyekto na dapat tapusin sa panahong iyon ngunit dapt 45 days bago ang election ay hindi na papayagan.

Samantala, dapat din tiyakin na hindi nasasangkot ang mga ahensya ng gobyerno sa anumang campaign activities ng mga kandidato.