Pinapabilis na ng lokal na pamahalaan ang konstruksyon ng One Manaoag Public Market, isang malaking proyekto sa bayan na naglalayong pagandahin ang kanilang palengke.
Nasimulan ang proyekto noong Nobyembre ng nakaraang taon at inaasahang matatapos sa susunod na taon.
Ang nasabing palengke ay may lawak na 1 ektarya na may pondong aabot sa 239 milyong piso, at binubuo ng tatlong gusali.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, mahigit 60 porsiyento na ang tapos sa konstruksyon, habang 70% naman operational ang palengke dahil sa isinagawang relocation ng mga vendors.
Layon ng pagpapabilis ng konstruksyon na magamit na ang palengke para sa darating na pagdiriwang ng Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag.
Nauna nang natapos ang ikatlong gusali na nasa likuran at kasalukuyang ginagamit ng ilang vendors.
Ang ikalawang gusali naman ay binububungan na lamang, na nasa 80 porsiyento nang tapos, habang ang unang gusali, na may dalawang palapag, ay ginagawa pa lamang at humigit-kumulang 20% na ang natatapos.
Kasama sa renovasyon ang pagpapalawak at pagpapabuti ng mga daanan ng mga mamimili at sasakyan upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko para sa mga dadako sa lugar.
Maituturing na salamin o mirror image ng isang munisipyo o lokal na pamahalaan ang palengke dahil dito nabubuhay ang bayan at may malaking ambag sa operasyon para sa komersyo.
Kapag natapos na ang bagong palengke, magsisimula ng bagong buhay ang lahat na may disiplina, kalinisan sa lugar, at pagtutulungan, dahil obligasyon ng bawat residente ng bayan na mapanatiling maayos ang palengke, lalo na ang pagsunod sa mga alituntunin.
Sinasalamin ng proyektong ito ang isang pangako para sa ikabubuti ng lahat, na tinutupad ang matagal nang pangarap para sa mga vendor at residente ng isang maayos, malinis, at organisadong palengke.
Panawagan ni Mayor Rosario sa mga vendors, tricycle drivers, at mga mamimili na magtiis muna dahil malapit na itong magamit para sa katiwasayan ng bawat isa.