DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Animal Kingdom Foundation na mahalagang isama sa paghahanda ngayong selebrasyon ng holiday season ang kapakanan ng mga alagang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Heidi Marquez Caguioa, Program Director ng naturang grupo, aniya, kabilang na rito ang pag-iwas sa paggamit ng paputok.
Aniya, nagdudulot ito ng stress at pagkabalisa sa mga alaga dahil sa pagiging sensitive ng kanilang pandinig.
Ang sobrang stress para sa mga ito ay maaaring mauwi sa trauma at pagkasawi.
Kung pinaplano pa rin magpaputok, tiyakin na nasa ligtas at komportableng lugar ang mga alaga.
Makatutulong naman ang pagsasagawa ng anxiety wraps upang mabawasan ang mararamdaman nilang stress.
Bukod pa riyan, huwag hayaan na naiiwan ang mga alaga na mag-isa kung may planong umalis sa bahay.
Sa kabilang dako, sa pagtatapos ng 2025, sa kabuoang datos ay marami umano silang natanggap na mga kaso ng animal cruelty.
Gayunpaman, nakitaan pa rin ni Atty. Caguioa ng ‘improvement’ sa kamalayan ng komunidad sa pagbibigay ng tamang pagtrato sa mga hayop.
Malaki aniya ang naitulong ng social media sa nasabing pagbabago, maliban na lamang sa patuloy pang pagkakaroon ng social media content na may kaugnayan sa nasabing kaso.










