Isinusulong ngayon ang panukalang batas na nag-aatas na isalin sa wikang Filipino, Ilokano, at iba pang pangunahing wika sa bansa ang mga umiiral na batas na kasalukuyang nakasulat sa Ingles.
Ayon kay Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., PhD, Komisyoner IV ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ito ay isang magandang hakbang tungo sa pagpapalakas ng wikang pambansa at ng iba pang katutubong wika sa Pilipinas.
Aniya, ang pagsasalin ng mga batas sa mga wikang mas nauunawaan ng karaniwang mamamayan ay makatutulong upang mas maging malinaw at madaling maunawaan ang mga probisyon ng batas.
Ipinaliwanag ni Mendillo na kapag ang batas ay inilalahad sa anyong payak at sa wika ng taumbayan, mas magiging madali ang pag-unawa at hindi na kailangang kumonsulta pa sa abogado para sa interpretasyon.
Bagama’t positibo ang KWF sa panukala, inamin ni Mendillo na kakaharapin ng kanilang ahensiya ang hamon sa implementasyon nito, partikular na ang kakulangan ng mga tauhang may sapat na kaalaman sa pagsasalin ng legal na wika.
Kung maipapasa ang naturang panukala, inaasahang isasalin ang lahat ng mga nakaraang batas sa mga pangunahing wika ng bansa. Binigyang-diin ni Mendillo na hindi lamang limang wika ang dapat isaalang-alang kundi ang walo, alinsunod sa pagkilala sa mga pangunahing wika sa buong bansa.
Ang panukalang ito ay nakikitang hakbang patungo sa isang inklusibong lipunan kung saan ang batas ay hindi lamang para sa mga may kaalaman sa Ingles, kundi para sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang katayuan sa buhay at kinagisnang wika.