Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP ang pamahalaan dahil umano sa kawalan ng sapat na pagtugon sa mga panawagan ng mga magsasaka, partikular sa usapin ng rice importation.

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, ilang beses na nilang nakaharap si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. upang ilahad ang kanilang mga kahilingan, kabilang ang panawagang ipawalang-bisa ang Rice Liberalization Law.

Gayunman, sinabi ni Ramos na nananatili umano ang polisiya ng pamahalaan na umangkat ng bigas, na ayon sa grupo ay lalo umanong nagpapahirap sa lokal na mga magsasaka.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi lamang bigas ang apektado dahil nasasayang at nabubulok din umano ang ilang lokal na gulay dahil sa patuloy na pagpasok ng mga imported na produktong agrikultural, kasabay ng sunod-sunod na kalamidad na tumatama sa sektor.

Dahil dito, sinabi ni Ramos na isang malaking kabalintunaan na ang Pilipinas, na isang bansang agrikultural, ay kabilang na umano sa mga nangungunang importer ng bigas sa mundo.

Nanawagan ang KMP sa pamahalaan na repasuhin ang mga polisiya sa sektor ng agrikultura at magpatupad ng mga hakbang na mas makatutulong sa lokal na produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka.