Dagupan City – Mga kabombo! Isa ka ba sa mga taong mahilig mag sine?

Paano na lang kung ang pinapanood mong palabas ay mistulang iyung mararanasan pala sa totoong buhay sa kasagsagan ng iyung panonood?

Ito kasi ang pangyayari sa isang sinehan sa La Plata, Argentina — matapos bumagsak ang bahagi ng kisame sa loob ng sinehan habang kasalukuyang pinapalabas ang pinakabagong installment ng sikat na horror franchise na Final Destination: Bloodlines.

--Ads--

Batay sa salaysay ng isa sa mga tinamaan sa insidente na si Fiamma Villaverde, 29 anyos, na nagdiriwang lamang sana ng kanyang kaarawan kasama ang 11-anyos na anak sa Cinema Ocho. Hindi nila planadong manood ngunit naengganyo sila sa murang ticket ng sinehan.

Ngunit sa kalagitnaan ng tensyonado at nakakagulat na eksena ng pelikula, isang malakas na tunog ang biglang narinig sa loob ng sinehan. Akala ng marami ay bahagi lamang ito ng special effects — hanggang sa bumagsak ang isang malaking bahagi ng kisame at tumama mismo kay Villaverde.

Agad naman itong umani ng samo’t saring reaksyon sa social media sa Argentina at maraming netizen ang nagsabing para itong eksena mismo mula sa Final Destination, ang horror film series na kilala sa mga mala-bangungot na aksidenteng humahabol sa mga karakter kahit na nakaligtas na sila sa unang trahedya.

Matapos ang insidente, agad na humingi ng refund si Villaverde ngunit tila naging mailap ang pamunuan ng sinehan.

Bagamat wala pang pormal na reklamo, nakipag-ugnayan na raw si Villaverde sa isang abogado para maisulong ang nararapat na aksyon.

Sa ngayon, maraming netizen ang nananawagan ng mas maayos na inspeksyon at seguridad sa mga sinehan — lalo na’t ang nangyari ay tila isang ‘Final Destination’ moment na ayaw ng sinuman maranasan sa totoong buhay.