DAGUPAN CITY – Nagwagi ang 28-year-old Philippine representative na si Kirk Bondad sa Mister International 2025 na ginanap sa MCC Hall, Nonthaburi, Thailand.
Ang tagumpay ni Kirk sa 17th edition ng Mister International ang kapalit ng kanyang pagkabigo nang maging kinatawan siya ng ating bansa sa Mister World noong 2024.
Hindi siya pinalad manalo o magkaroon ng anumang puwesto noon.
First runner-up sa Mister International 2025 ang kinatawan ng Lebanon na si Saadedine Hneinehn, na tumanggap din ng Best in Swimwear special award.
Second runner-up ang crowd favorite na si Seung Hoi Choi ng South Korea.
Third runner-up si Mister Nigeria Bethel Mbamara.
Fourth runners-up sina Mister Costa Rica Roberto Mena at Mister Thailand Kanapol Treesongkiat, na nagwagi ring Best in National Costume.
Si Kirk ang pinakahuling tinawag sa Top 20 candidates kaya kinabahan ang kanyang mga tagasuporta.
Nakaramdam din ng kaba si Kirk dahil sa matagal na pagtawag sa kanyang pangalan.
Sina Miss Universe Philippines 2025 Ahtisa Manalo, Mister International 2023 Kim Goodburn, at Anusith Sangnimnuan ang mga host ng Mister International 2025.