Kinoronahan bilang Mrs. Tourism Ambassadress 2022 si Mrs. Tourism Universe 2022 Philippines Cyren Kenna Bales, tubong Sta. Barbara, Pangasinan, sa naganap na Mrs. Tourism Universe sa bansang Thailand, na nagsimula noong Setyembre 23, at nagtapos nitong nakaraang Linggo, Oktubre 02, 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bales, inihayag nito na naglaban-laban ang nasa 26 na kandidata para sa korona, kung saan ay nakasama niya sa Top 5 ang kinatawan ng Thailand, Japan, at dalawa pang mga kandidata na parehong mula sa United States of America.
Binigyang-diin pa nito na maraming aktibidad at gawain na nilahukan ng mga kandidata sa loob ng kanilang pananatili sa Thailand para sa pageant, gaya ng pagpapanatili ng kanilang healthy diet, pagre-review at pagiging updated sa mga current events sa iba’t ibang panig ng mundo, at pagiging maagap sa mga rehearsals at iba pang mga paghahanda para sa naturang kompetisyon.
Bilang Mrs. Tourism Ambassadress 2022, tungkulin nitong panatilihin at isulong ang kanyang adbokasiya para sa mga bata at single mothers, at gayon na rin ang paghalili sa Mrs. Torusim Queen 2022, na nasungkit naman ng bansang Thailand, partikular na ang pagtatatag sa mga feeding programs.
Maliban sa kanyang pagkapanalo bilang Mrs. Tourism Ambassadress 2022, ay nasungkit din nito ang special award na Most Photogenic Mother sa parehong kompetisyon.
Nagpahayag naman ito ng pasasalamat sa mga indibidwal na bumubuo sa kanyang team at sa iba pang sumuporta sa kanya simula noong una hanggang sa huli.