Itinuturing na sa ngayon bilang ‘Common Pest’ ang kinatatakutang fall army worm na sumalakay sa mga maisan kamakailan sa bayan ng Asingan, Pangasinan na nagdulot ng pagkalugi sa production o ani ng ilang mga magsasaka.
Sa pahayag ni Hanzon Paragas, Agricultural Technologist ng Department of Agriculture sa nabanggit na bayan, malaki ang tiyansa na maaaring sa mga kalapit na munisipalidad na mayroong tanim na mais ay lumaganap na din ito dahil sa bilis ng transmission sa pamamagitan ng pagsabay sa hangin.
Madalas inaatake ng naturang peste ang mga green corn o pang lagang mais.
Batay sa kanilang monitoring tinatayang 20% ang naitalang danyos sa sakahan ng mga corn farmers.
Dahil dito, patuloy ang ginagawa nilang paalala sa mga magsasaka sa kanilang nasasakupan upang hindi na muling mabalikan ng naturang peste ang kanilang mga pananim.
Pinapayuhan nila ang mga magsasaka na hanggat maaari ay maging maparaan sila lalo na sa paggamit ng tamang insecticide na pang kontrol upang hindi bumaba o tuluyang mamatay ang kanilang produkto.