Nagpahayag ng pagdududa ang Kilusang Mayo Uno (KMU), sa inilaan na ₱1.2 bilyong standby fund ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang maaapektuhan ng energy crisis sa ilalim ng Executive Order No. 110.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kay Jerome Adonis Chairperson, ng nasabing grupo na hindi sapat ang naturang pondo at maituturing lamang itong “band-aid solution” sa mas malalim na problemang kinahaharap ng mga manggagawa at buong sambayanan.
Ayon sa kanya, kulang umano sa malinaw na detalye kung paano maa-access ng mga manggagawa ang nasabing pondo.
Dagdag pa niya, sa gitna ng umiiral na krisis sa enerhiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kinakailangan umano ang mas malawak at pangmatagalang solusyon mula sa pamahalaan.
Iginiit ng KMU na sa halip na pansamantalang ayuda, dapat tutukan ng gobyerno ang mga sumusunod:
Pagbasura sa oil deregulation law, Pagtanggal ng value-added tax (VAT) at excise tax sa produktong petrolyo, Pagbabalik ng mas mababang presyo ng langis at Pagpapatupad ng ₱1,200 na arawang sahod para sa mga manggagawa.
Binigyang-diin ni Adonis na hindi umano ang mga manggagawa ang may kagagawan ng krisis, kaya’t hindi dapat sila ang pangunahing naaapektuhan nito.
Tinukoy rin niya na kahit ang mga naunang ayuda ng pamahalaan sa transport sector ay umano’y hindi naging sapat, at sa halip ay napupunta rin sa pagtaas ng kita ng malalaking kumpanya ng langis.
Samantala, kinilala ng KMU ang mga hakbang ng ilang lokal na pamahalaan, kabilang ang mga polisiya upang hindi mabawasan ang kita ng mga manggagawa, gaya ng hindi pagpapatupad ng four-day workweek sa ilang lugar.
Gayunman, iginiit ni Adonis na responsibilidad ng pambansang pamahalaan ang pagresolba sa krisis, hindi lamang ng mga lokal na gobyerno.
Nanawagan naman ang KMU sa pamahalaan na maglatag ng konkretong hakbang upang mapagaan ang pasanin ng mamamayan sa gitna ng krisis. Hinikayat din nila ang mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang karapatan at makiisa sa mga pagkilos, lalo na sa nalalapit na Araw ng Paggawa.










