DAGUPAN CITY — Bagsak.
Ito ani Elmer Labog, National Chairperson ng Kilusang Mayo Uno, ang ibibigay na grado ng kanilang hanay kay President Ferdinand Marcos, Jr. sa pagtatapos ng ikalawang State of the Nation Address nito kung pagbabasehan ang kanilang kahilingan sa pagtataas ng sahod, pagwawakas sa kontraktual na paggawa, at pagtatapos ng extrajudicial killings sa hanay ng paggawa.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Labog na ito ang sukatan bilang mga manggagawa sa performance ng kasalukuyang administrasyon lalo na sa usapin ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa ngayon.
Aniya na ang dagdag sahod ay usapin ng lahat ng manggagawang Pilipino at hindi lamang ng mga nagtatrabaho sa National Capital Region. Kaya naman dapat itong ituring na pambansang saklaw, lalong lalo na para sa mga manggagawa na nasa mga lalawigan sapagkat mas dehado ang mga ito pagdating sa cost of living at mga gastusin sa pang araw-araw.
Saad nito na may mga pagkakataon na mas higit pang mas mataas ang cost of living sa mga probinsiya lalo na’t napakababa ng sinasahod ng mga manggagawa kumpara sa mga nasa lungsod kaya hindi makatwiran at hindi makatarungan na hindi pantay ang pagbibigay ng dagdag sahod sa lahat ng manggagawang Pilipino.
Dagdag pa nito na ang antas ng inflation ay isang obligasyon ng gobyerno na dapat nilang matugunan. Gayunpaman ay nananatiling mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, mga serbisyo, at gayon na rin ang presyo ng produktong petrolyo.
Ani Labog na sa patuloy na pagtaas sa mga petroleum products ay nangangahulugan na nalalamon na nito ang purchasing capacity ng sahod na hindi na nakakasabay sa nananaig na inflation sa bansa. Kaya naman aniya na mahalaga ang isinusulong ng Kongreso na P150 na dagdag sa sahod para sa bawat manggagawa na makatutulong sa pagbalik ng purchasing capacity ng mga Pilipino at makaagapay sa pamumuhay ng bawat mamamayan.
Samantala, ikinagagalak naman umano ng kanilang hanay ang pagunlad sa ekonomiya ng bansa, kung saan ang mga manggagawang Pilipino ang pangunahing nakatutulong sa kaunlaran nito, lalong lalo na ang mga Overseas Filipino Workers.
Aniya na sa gantong kalagayan ay nararapat lamang na mabigyang prayoridad ang kalagayan ng mga manggagawa sa pagtaas ng sahod at pagre-regular sa mga contractual workers.
Dagdag pa nito na ang pagsisimula ng tunay na pagbangon ng bansa pagdating sa usaping ekonomiya ay ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, at pagangat ng kalagayan ng mga maralitang Pilipino.