Gaganapin na bukas ang Kick-off Ceremony ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 1 sa isang mall sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan bilang pagdiriwang ng Fire Prevention Month 2025.

Ayon kay FCINSP. Michael John Escaño, Chief for Operations ng BFP Pangasinan Provincial Office, ngayong taon ay napili ang lalawigan bilang venue dito kung saan dadaluhan ito ng mga opisyal at tauhan ng kabomberohan mula sa La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Pangasinan, pati na rin ng iba pang mga katuwang na ahensya.

Magsisimula ang programa sa alas-4 ng umaga at magtatapos sa alas-5 ng hapon.

--Ads--

Inaasahan dito ang ibat ibang aktibidad na inihanda ng kanilang ahensya gaya ng Zumba, Color Fun Run, Motorcade, Simulation Exercises, pagpapakita ng mga kagamitan at asset ng BFP, at mga paligsahan gaya ng pagkanta at pagsayaw ng ilang kalahok na BFP personel.

Dahil dito, inaanyayahan nito ang publiko na sumama at makiisa sa programa upang makita at maranasan ang ilang mga aktibidad na handog ng kanilang ahensya ngayong buwan.

Layunin ng nasabing kaganapan na palawakin ang kamalayan sa pag-iwas sa sunog at palakasin ang kapasidad ng BFP Region 1 sa pagtugon sa mga insidente.

Samantala, naniniwala ito na magiging isang produktibo at masayang araw ang pagtitipon upang mapaigting ang paghahanda sa mga posibleng sunog at sakuna na maaring maranasan ng bawat indibidwal sa hinaharap