Nakararanas ng pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Kennon Road kasabay ng patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ang mga motorista na aakyat o lalabas ng lungsod ng Baguio na dumaan muna sa mga alternatibong ruta gaya ng Marcos Highway upang maiwasan ang anumang aksidente.
Sunod-sunod kasi ang naitalang pagguho ng mga bato at lupa na posibleng magdulot ng panganib sa mga motorista.
Kamakailan lamang ay pansamantalang isinara ang Kennon Road Tunnel matapos ang naitalang rockslide sa Camp 6, Tuba, Benguet.
Bagama’t ito ay muling binuksan, nananatiling mapanganib ang daan, lalo na’t patuloy ang masamang panahon at anumang oras ay maaaring muling maranasan ang pagguho.
Samantala, nananatiling alerto ang siyudad ng Baguio sa anumang posibleng insidente ngayong panahon ng tag-ulan.
Batay sa inisyal na datos, tatlong pamilya na binubuo ng labing-anim na indibidwal ang naapektuhan ng pagguho ng lupa sa Purok 6, Irisan, Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Benjie Macadangdang, Chief ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niyang nakahanda ang kanilang kagamitan at ang iba’t ibang division gaya ng security, peace and order, anti-road obstruction, calamity, night market, at smoke-free division upang agad na makaresponde.
Ayon sa kanya, tuloy-tuloy ang koordinasyon at pagtutulungan ng kanilang tanggapan kasama ang iba pang departamento sa paghahanda para sa mga posibleng kalamidad.
Iginiit niyang handa na sila dahil well-trained at may sapat na karanasan ang kanilang mga tauhan sa mabilisang pagresponde, bunga ng kanilang matagal na serbisyo sa POSD.
Samantala, dahil sa patuloy na sama ng panahon, sinuspinde ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa parehong pribado at pampublikong paaralan sa lungsod kahapon.//VIA bombo Radyo Baguio