Dagupan City – Ipinaliwanag ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutionalist at political analyst, ang mga usapin hinggil sa kawalan ng mugshot ni Vice President Sara Duterte at ang pagpiyansa nito nitong weekend kaugnay ng arrest warrant laban sa kanya.
Ayon kay Cera, nakasaad sa Konstitusyon ang prinsipyo ng double jeopardy, kung saan hindi maaaring muling kasuhan ang isang tao para sa parehong krimen matapos ang isang kaso na pasok sa mga itinakdang kondisyon ng batas.
Samantala, kaugnay naman ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Cera na maaari pa rin umanong magkaroon ng hiwalay na criminal proceedings dahil magkaiba ang impeachment at criminal cases at mayroon itong magkakaibang hurisdiksyon.
Aniya, hindi umano ito dapat maging hadlang sa proseso dahil magkahiwalay ang dalawang proceeding.
Ipinaliwanag din ni Cera kung bakit nakapagpiyansa ang bise presidente kahit weekend.
Bagama’t karaniwang bukas ang mga korte mula Lunes hanggang Biyernes, maaari umanong magbukas ang korte sa mga pagkakataong kinakailangan, kabilang na ang mga usapin hinggil sa piyansa, lalo na kung nakasalalay dito ang pansamantalang kalayaan ng isang akusado.
Dahil dito, sinabi ni Cera na maaaring ipagkaloob ng hukom ang kinakailangang proseso kahit weekend.
Samantala, ipinaliwanag din niya kung bakit walang mugshot na isinagawa kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cera, hindi naman kinakailangang magkaroon ng tradisyonal na mugshot sa lahat ng pagkakataon. Sa halip, maaaring isumite ang passport-size photograph ng akusado para sa dokumentasyon at iprisinta ito sa korte.
Matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento at proseso para sa piyansa, maaaring mag-isyu ang korte ng release order na magsisilbing batayan para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Kaugnay nito, kabilang sa mga naging pahayag ni Vice President Duterte ang umano’y pangamba niya sa kaniyang kaligtasan dahil sa presensya ng mga tauhan ng pamahalaan at pulisya.
Ang naturang pahayag ay bahagi rin ng mga usaping kinakaharap ng bise presidente kasabay ng patuloy na legal at political proceedings laban sa kanya.










