DAGUPAN CITY — Isang panibago na namang katanungan.

Ganito isinalarawan ni Ariel Lim, Presidente ng National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP) ang naging pagpapaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagbabawal sa mga tricycle sa national highways sa bansa.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang naging pahayag ni DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. kaugnay sa nasabing usapin ay isang katanungan sa mga marami pang katanungan ng kanilang hanay na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nasasagot.

--Ads--


Aniya hindi naman tumututol ang kanilang organisasyon sa pagbabawal sa mga tricycle sa mga national highway subalit mayroon lamang silang mga katanungan na kinakailangan munang malinawan ng DILG, partikular na sa kung ano nga ba ang kinokonsidera nilang ‘highway’ lalo na’t maraming kakalsadahan ngayon ng bansa ang tinatawag na highway at kung sila ba ay makakadaan sa mga ito o hindi.


Sinabi pa nito na matagal ng usapin ang kautusan na ito, subalit mula noong una silang nagkaroon ng pakikipagtalakayan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ay naging malinaw ang kanilang kasunduan na paguusapan muna itong mabuti, subalit nakalipas na ang dalawang taon ay may panibago na namang kautusan na nagrerebisa sa naunang mandato kaugnay sa kanilang pagdaan sa national highway.


Kaya naman pinangangambahan ng kanilang hanay ang tuluyang pagkawala ng madadaanang mga kalsada ng mga tricycle sa gitna ng matagal na nilang paglaban sa pagkakaroon ng tinatawag na tricycle lane lalong lalo na sa mga lugar na walang ibang maaaring madaanan ang mga nasabing sasakyan.


Nakasaad kasi aniya sa batas sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng Republic Act 7160 na kung sakali mang walang ibang madadaanan ang mga tricycle ay maaaring magpasa ng isang ordinansa na magbibigay sa mga ito ng sarili nilang daanan lalong lalo na sa mga lugar na walang laternatibogn ruta.


Samantala, nagpahayag naman ito ng kagustuhan na magpadala ng sulat sa tanggapan ni DILG Sec. Abalos upang imbitahan ito pati na rin ang Senado at Kongreso sa isang dayalogo kaugnay sa nasabing isyu upang malinawan ang apektadong sektor lalong lalo na sa kanilang mga katanungan hinggil sa naturang kautusan.