Dagupan City – Nakatakdang isagawa ang konstruksyon ng kauna-unahang Tourist Rest Area (TRA) ng Pangasinan sa Capitol Beachfront, Lingayen.

Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco, ito ang isa sa mga bahagi ng inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang mga proyektong pang-turismo ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ang turismo ay patuloy na magiging daan para sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Ang Tourist Rest Area ay may budget na P10 milyon, ang una sa Pangasinan at pangalawa naman sa Region 1.
Bahagi naman ito ng mga flagship project ng DOT na naglalayong gawing mas maginhawa ang paglalakbay ng mga turista.

--Ads--

Ayon kay Frasco, ang Tourist Rest Area ay magkakaroon ng mga sumusunod na pasilidad: Tourism information desks, Lounge at cafe, Charging stations, Breastfeeding stations, Malinis na palikuran, at Pasalubong Center.

Kung saan ay pinuri rin nito ang dedikasyon ng mga lokal na opisyal sa pagbibigay ng matatag na pundasyon para sa turismo ng probinsya.

Layunin ng TRA na maging isang “common ground” na magpapakita ng pagmamahal sa bayan habang nag-aalok ng kumportableng serbisyo para sa lahat ng turista.

Samantala, ipinahayag ni Pangasinan Gov. Ramon Guico III ang kanyang pasasalamat sa pangulo kaugnay ng pagtatayo ng kauna-unahang Tourist Rest Area (TRA) sa Capitol Beachfront, Lingayen.

Ayon sa gobernador, nakikita niya itong mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng turismo sa lalawigan, lalo na’t ipatatayo rin ang longest reflective pool sa bansa.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang proyekto hindi lamang sa pagtaas ng bilang ng mga bumibisita sa Pangasinan kundi maging sa pagpapahaba ng kanilang pananatili sa probinsya, na magdudulot ng positibong epekto sa lokal na ekonomiya.