DAGUPAN CITY–Kinumpirma ng Municipal Health Office (MHO) ng bayan ng Binalonan na mayroong ‘travel history’ sa labas ng Pangasinan ang kauna-unahang namatay dahil sa COVID-19 sa kanilang bayan.
Ayon kay Framila Dela Cruz, Health Officer ng bayan, hindi lamang sa labas ng Binalonan may travel history ang nasawing pasyente bagkus ay naka-apat na beses pa itong nakabalik sa Nueva Ecija, upang umangkat ng isdang hito dahil isa itong fish dealer.
Bukod sa pagiging senior citizen, nabatid na mayroon ding hypertension at diabetes ang biktima.
Samantala, kinumpirma din ni Dela Cruz na sa kasalukuyan ay mayroon na silang 18 katao na natukoy na close contact ng biktima kasunod ng isinagawa nilang contact tracing.
Aniya, 12 sa mga ito ay mula sa kanilang bayan habang ang 6 na iba pa ay mula sa iba pang munisipalidad.
Inihayag naman ng opisyal na agad ding nacremate ang biktima 12 oras matapos itong mamatay sa Region 1 Medical Center (R1MC).