Naitala ang kauna-unahang kaso ng pagpaslang sa isang nakaupong public servant sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.


Ayon kay Mangaldan Councilor Aldrin Soriano, sa tagal na nitong naninilbihan bilang isang public servant ay ngayon lamang may naitalang kaso ng pagpaslang sa isang nakaupong opisyal sa kanilang bayan.


Binigyang diin naman ni Soriano, na hindi lamang pulitika ang tinitignang dahilan ng mga awtoridad sa ginawang kagimbal-gimbal na pagpaslang kay Barangay Captain Melinda ‘Tonet’ Morillo na personal din niyang kakilala at kaibigan, dahil patuloy pa rin ang isinasagawang imbistigasyon ng mga kapulisan.

--Ads--


Ibinahagi naman ni Soriano ang pagbabalik-tanaw nito sa pagiging ‘open’ ni Morillo partikular na sa tuwing may isinasagawang pagpupulong sa kanilang bayan na kung saan ay napag-uusapan ang patungkol sa paglilingkod sa mga residente.


Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na wala dapat ikatakot ang kaniyang mga nasasakupan partikular na ang mga opisyal sa naturang bayan, dahil patuloy ang ginagawang aksyon at imbistigasyon ng mga awtoridad at hanay ng kapulisan nang sa gayon ay mapabilis ang proseso at upang malaman na rin kung sino at ano ang naging rason sa pagpaslang kay kapitana Morillo.