DAGUPAN CITY- Idinaos ngayong Huwebes, Abril 23, ang San Vicente Ferrer Festival sa Barangay Bacayao Norte, Dagupan City kung saan tampok ang makabagong selebrasyon na nakatuon sa pagtitipid ng enerhiya at gastos.
Binuksan ang kapistahan sa pamamagitan ng tradisyunal na paglilibot sa imahen ng santo na dinaluhan ng mga residente, opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga bisita mula sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay Barangay Captain Diosdado Maramba, sinadya nilang gawing payak ang selebrasyon bilang bahagi ng energy conservation efforts.
Sa halip na magarbong programa, inilunsad ang kauna-unahang kalutan ed dalan sa loob ng ilang dekada, kung saan sama-samang nag-ihaw ng pagkain ang mga residente at iba’t ibang organisasyon at ahensya, maging ang mga hindi taga-barangay ay nakiisa rin.
Aniya na hindi gumastos ang mga residente para sa kanilang inihaw dahil may mga donasyon ding natanggap.
Karamihan sa mga inihanda ay bangus, na isa sa pangunahing produkto ng lungsod. Sa kabila ng pagiging simple, naging masaya at makabuluhan ang pagdiriwang para sa komunidad sa gitna ng kasalukuyang krisis.
Ibinahagi naman ni Edna De Vera, parent leader ng 4Ps sa barangay, na ikinatuwa ng mga residente ang pagbabago sa nakasanayang pista dahil nakatulong ito upang makatipid sa gastusin habang nananatiling masaya ang selebrasyon.
Nagpahayag din ng suporta si Dagupan City Mayor Belen Fernandez sa nasabing aktibidad.
Aniya, ikinatuwa niya ang mahabang kalutan at ang pagiging praktikal nito, na hindi lamang nagpakita ng pagkakaisa ng komunidad kundi nagbigay rin ng halimbawa ng isang hindi magastos ngunit makabuluhang pagdiriwang.
Naging matagumpay ang pagdiriwang ng pista sa Barangay Bacayao Norte sa pamamagitan ng payak ngunit makabuluhang selebrasyon na nagpakita ng pagttitipid.










